Post-ANWW realizations
Ilang araw na rin mula nang nagpo-post ang mga tao ng kanilang drama tungkol sa 11th Ateneo National Writers Workshop. Gusto ko rin, sa katunayan, dahil napakamakabuluhan din nito para sa akin, kahit na transcriber ako. Gusto ko rin namang magpasalamat sa lahat ng naging bahagi ng palihan; gusto ko ring sabihing mami-miss ko ang mga fellow at iyong mismong karanasan, kahit na masakit ang ilan doon at kahit na may taong nakakasakit nang hindi niya alam (huy, sa body pa dapat ang detalyeng iyan). Pero noong binabalak kong magpost, parang may pumipigil lagi sa akin. Siguro dahil sariwa pa ang mga alaala. Siguro dahil hindi pa ako noon nakababalik sa karaniwang takbo ng buhay. Siguro dahil hindi pa ako noon nakauuwi (shet, naalala ko na naman iyong tula ni Om).
Ngayon, mukhang kaya ko nang isulat. Simple lang naman ang natanto ko: magbago nang may laging pagbabalik. Para sa pag-ibig. Chos, walang pag-ibig. Matagal ko na kasing problema ang pagiging mayabang, lalo pa’t wala na akong naisusulat at kaunti pa rin lang ang nababasa.
Dalawang pahayag ang tumagos: “bilang kritiko, sige puwede kang magganiyan. Pero manunulat ka rin, matuwa ka naman at may nakagawa ng ganoong klaseng proyekto na higit pa sa iyo.” Iyong isa pa, “ginawa mo na ngang propesyon ang pagsusulat, hindi ka pa rin nakapagsusulat.”
Siyempre, una, mukhang paraphrase na lang ang mga iyan. At pangalawa, pabiro ang mga ito. Pero sakto kasi sa nararamdaman ko buong workshop. Nakatutuwa kasi ang earnestness ng maraming fellows. Kasama rin siyempre ang panelists, pero given na yata iyon at mas tumatak sa akin iyong sa kanila. Ramdam sa mga akda at pahayag nila ang kanilang kagustuhang magsulat. Na may nais silang ipahayag, ilabas, isawika. May ambisyon ang marami sa mga akda nila. May damdamin. Iyon, may damdamin. Iyong damdaming maaari lamang mapasaloob sa isang akda dahil naniniwala ang manunulat na mahalaga, hindi lamang ang kaniyang isinusulat, kundi ang mismong praktika ng pagsusulat. May ilan talaga, pagkatapos kong basahin, tulala ako. Noong tinatalakay na ang mga iyon, napapatigil talaga ako sa pag-transcribe. At hindi dahil sa katamaran. Siguro dahil marami ding akda ang may paksang gustong-gusto ko. Lungsod. Mariang Makiling. Makiling. Pag-uwi. Pananahan. (Pag-ibig.) Pero hindi lang iyon, e. Iyong mga manunulat din. Ramdam mong may pagtataya sila. May sinusugal silang bahagi ng kanilang sarili para sa panulat.
Hindi na kasi ako ganoon. (Teka, ilang beses na bang ganito ang post ko? Iyong tipong may significant human experience tapos nakikita ang kakulangan ng sarili tapos gustong magbago? Hala, paulit-ulit na lang talaga ako, tapos may pagka-self-centered pa ang worldview.) Cynic bastard na tamad. Para sa akin, hindi naman mahalaga iyong mga isinusulat ko; wala naman itong magagawa sa mundo. Hindi ko iniisip ang mambabasa ko; gusto ko lang magsulat ng sa tingin ko ay maganda. Kahit sa mga research ko, wala lang, kung ano lang matripan. Iniisip ko kasi, nasabi na ang mga gusto kong sabihin sa mas maganda pang paraan. At kung mayroong hindi pa nasasabi, kaya naman din iyong sabihin ng iba. Iyong pagsali sa Palanca, pag-submit sa mga binabalak na antolohiya? Para lang hindi matanggal sa trabaho.
Kaya heto ako ngayon, blog na lang ang isinusulat, hindi pa madalas. Pero kailangan ko na ngang tumigil. Sampal sa akin iyong palihan. Kung ano-anong sinasabi ko sa sarili ko. Mula sa baduy na “kaya siya sa iba at hindi sa iyo naiinlab ngayon.” Hanggang sa baduy din namang “may halaga naman ang isinusulat mo.” Kailangan kong bumalik sa dati, noong matatayog pa ang pangarap ko sa akda ko, noong hindi ko pa naiisip na buhay ko lang iyon na nilagyan ng kung ano-anong mahiwaga at metafictional shit. Kailangan ko na ulit tumaya at manindigan. Tama na iyong “ay, ayon naman kay Derrida, pagtatayo ng sentro ang paninindigan.” Palusot ko lang iyon. Shet naman, napakalaking misinterpretasyon kay Derrida. Alam na alam ko namang may mga pakikibaka akong nais ipaglaban ngunit ayaw ko lang harapin. Alam ko naman ang nagpapasilakbo sa kalooban ko. Alam ko kung ano ang mga ideang itinuturing na tahanan ng aking isip. Kailangan ko lang ulit iyon maramdaman. Iyon, e. Damdamin. Rubdog. Libog.
Naalala ko iyong kuwento ng isang fellow tungkol sa kaniyang kapuwa fellow. Nagkuwentuhan daw sila buong magdamag. Tungkol sa panitikan. Sa pagsusulat. At ang sabi niya, maraming angst iyong fellow. Ako, sa isip ko, angst na naman. Pero may hirit siya, “kaya siya magaling, kasi marami siyang angst.” Boom. Siyempre, hindi ko alam kung anong klaseng angst iyon dahil hindi detalyado iyong kuwento. Hindi tsismosa iyong fellow, e. Pero muli, dahil self-centered bitch ako, ginamit ko na naman para sa self-actualization ko iyong kuwento at nilagyan ng sariling interpretasyon.
Nagkaka-angst kasi sa pagsusulat dahil may pinaghuhugutang malalim iyong manunulat. Nagagalit siya sa pinakamaliliit na detalyeng hindi niya maisulat. Naiirita sa poetika ng iba. Hindi makatulog dahil binabagabag ng isang imahen. Gustong wasakin ang mundo dahil hindi ito naaayon sa nahaharaya niya. Lahat ng ito ay dahil mahalaga sa kaniya ang sining, ang kaniyang sining.
At dahil gutom na ako at may manlilibre ng KFC, titigil na ako. Iyong mayabang part: iyon lang, tumigil na sa pagmamayabang. Ang pangit tingnan. Hindi nakakainlab. Chos. Hindi tama, lalo pa’t kapuwa manunulat din iyong nilalait ko at alam kong parehas kaming nahihirapan sa larang na ito. Babalik ako sa dating ambisyoso at earnest na sarili, ngunit hindi na iyong mayabang. Iyon na iyon. Kainis. Hindi ko nga nabanggit iyong taong nakakasakit sa akin. Paano nga ba gumawa ng CNF? Maka-sit-in nga sa isang workshop class.
